Muling binigyang-buhay ang mga larong kinalakihan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng “SKultura: Pamana ng Lahing Pilipino – Laro ng Lahi 2025” bilang parte pa rin ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2025.
Ginanap ang makulay na pagdiriwang na ito noong Agosto 21, 2025, sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park at nilahuka ng mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Sangguniang Kabataan (SK), katuwang ang Local Youth and Development Office at Bayambang Poverty Reduction Action Team, bilang bahagi rin ng selebrasyon ng ikawalong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Ayon sa mga tagapag-organisa, layunin ng programang ito na ipaalala sa susunod na henerasyon ang ating mayamang kultura sa pamamagitan ng mga tradisyunal na laro, partikular na ang mga parlor games.
Kabilang sa kanilang nilaro ang sack race, tug of war, calamansi relay, longest line, catching the egg, newspaper dance, atbp.
Sa modernong panahon kung saan mga electronic gadgets ang mas binibigyang pansin ng mga kabataan, mahalaga ang ganitong uri ng aktibidad upang maibalik ang interes sa mga larong nagpapalakas hindi lamang ng katawan at isipan kundi pati na ang pagbubuklod at samahan sa komunidad.
Bukod pa rito, inaasahan ding mapapalakas ng aktibidad ang diwa ng sportsmanship, teamwork, at disiplina sa mga kabataan.
“Sa bawat laro, hindi lamang pisikal na lakas ang sinusubok kundi pati na rin ang pagiging malikhain at maparaan ng bawat kalahok,” pahayag ng isang kinatawan ng SK. Dagdag pa niya, “Inaasahan namin na sa pamamagitan ng ‘Laro ng Lahi,’ mas mapapalapit ang mga kabataan sa ating maipagmamalaking kultura at tradisyon.” (Charlaine T. Melendez/VMF/RSO; SK)









