Mga Senior Citizen ng Bayambang, Ipinagdiwang ang Elderly Filipino Week

Masayang ipinagdiwang ng mga senior citizen ng Bayambang ang Elderly Filipino Week ngayong araw, ika-13 ng Oktubre, 2025, sa Bayambang Events Center.

Ang pagdiriwang ay may temang “Bayambang Senior Citizens: Ageing with Dignity & Integrity” na naglalayong itampok ang kahalagahan at karapatan ng mga nakatatanda sa ating lipunan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang patuloy na paglilingkod at pagmamahal ng mga senior citizen sa komunidad: “Ang ating mga senior citizen ay hindi lamang mga haligi ng ating pamilya kundi pati na rin ng ating bayan. Sila ay may malawak na karanasan at kaalaman na dapat nating pakinggan at pahalagahan,” aniya.

Kabilang sa mga naging panauhin sa pagdiriwang sina BM Shiela Marie Baniqued bilang kinatawan ni Governor Ramon Guico, BM Vici Ventanilla, at ang representante ni Cong. Rachel Arenas. Naroon din sina Vice Mayor Ian Camile Sabangan kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan upang magbahagi ng kanilang mga pananaw at karanasan sa pagpapabuti ng buhay ng mga senior citizen.

Ang pagdiriwang ay nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad tulad ng mga sayawan, kantahan, at raffle prizes mula kay Mayor Niña at iba’t-ibang opisyal na nagbigay-saya at aliw sa mga dumalo.

Ang Elderly Filipino Week ay isang taunang selebrasyon na naglalayong itaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa mga isyu at hamon na kinakaharap ng mga senior citizen sa Pilipinas. Ito rin ay isang pagkakataon upang ipakita ang pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga nakatatanda. (Charlaine T. Melendez, VMF/RSO; JMB, Michael Olalia)