Ang mga Rural Health Unit, sa pakikipagtulungan ng Municipal Nutrition Action Office, ay nagdaos sa kauna-unahang pagkakataon ng palarong “Nutri-Bingo” para sa mga senior citizen at person with disability (PWD) ng Bayambang, bilang bahagi ng selebrasyon ng National Nutrition Month 2025 ngayong araw, Hulyo 28, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.
Higit pa sa isang katuwaan, ang aktibidad ay nagsilbing epektibong paraan upang maipaabot ang kahalagahan ng wastong nutrisyon sa mga naturang sektor, dahil sa hatid ng mga RHU na information-education campaign.
Dito ay natuto ang mga kalahok ng mahahalagang impormasyon tungkol sa malusog na pagkain at pamumuhay dahil sa mga lektyur na inihatid nina Dr. Alvin Rosales, na tumalakay sa non-communicable diseases, Dr. Dave Francis Junio, na tumalakay sa oral health, at Municipal Nutritionist Venus Bueno, na nagpaliwanag ukol sa tamang nutrisyon.
“Layunin nito na hikayatin ang mga senior citizen at PWD na unahin ang kanilang kalusugan at nutrisyon,” sabi ng mga organizer. “Ang sapat na pagkain ay isang karapatan, at nais naming tiyakin na maabot ang mensaheng ito sa mga pinaka-nangangailangan.”
Sa okasyon ay dumating din si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan upang magbigay ng inspirasyunal na mensahe.
Nagdagdag pa ng saya sa okasyon ang pagbisita ni Mayor Niña Jose-Quiambao na naghandog ng tig-sampung kilong bigas sa bawat senior citizen at PWD na nakilahok bilang dagdag na suporta.
Bukod sa Nutri-Bingo, nagbigay din ng libreng mga laboratory test ang RHU gaya ng fasting blood sugar (FBS), cholesterol, at triglyceride test.
Umuwi ang mga kalahok nang may ngiti sa labi, dala ang mga premyong mug at fruit basket, bukod pa sa pasurpresa ni Mayor Niña, at bagong kaalaman tungkol sa nutrisyon. (VMF/RSO; JMB)












