Muli na namang naging isang “one-stop shop” ng mga serbisyo ng pamahalaan ang Warding Elementary School (ES) Covered Court matapos muling dalhin ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 para sa mga residente ng Brgy. Warding at Managos ngayong araw, August 13, 2026.
Matatandaang sa Brgy. Warding unang inilunsad ni dating Mayor Cezar T. Quiambao ang programang KSB noong taong 2017.
Sa pagbubukas ng programa, winelcome ang team ni Punong Barangay Fernando E. dela Cruz ng Warding, PB Federico V. Bautista Jr. ng Managos, at kinatawan ni Warding ES Head Teacher III Michael P. Barboza, habang inihatid naman ni Councilor Jose S. Ramos ang pangunang mensahe.
Sa kanilang mensahe, muling binigyang-diin nina Mayor Niña Jose-Quiambao na ang layunin ng KSB ay dalhin at ilapit mismo sa mga malalayong barangay ang mga pampublikong serbisyong kailangan ng mamamayan.
Sinundan ito ng orientation ni Dr. Roland M. Agbuya, Rural Health Physician, hinggil sa mga serbisyong handog ng programa bago tuluyang sinimulan ang paghahatid ng iba’t ibang libreng serbisyo ng pamahalaang bayan.
Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa mga residente ang libreng medical at dental consultation, late registration of birth, bakuna para sa mga alagang hayop, PESO employment services, pagre-renew ng business permit, pamamahagi ng buto at punla, legal consultation, pag-aapply para sa Enhanced Community Service Card, financial assistance, libreng gupit, at marami pang iba.
Bukod sa mga pangunahing serbisyo, nagkaroon din ng pamamahagi ng 550 sako ng tig-5 kilong bigas, libreng gatas, tsinelas para sa mga bata, libreng lugaw, at libreng sorbetes, na lalong nagbigay ng saya sa mga dumalo.
Sa pangunguna ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem, Jr. bilang Overall Coordinator, patuloy na nagsisilbing tulay ang KSB Year 9 sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan hanggang sa mga komunidad — patunay ng patuloy na hangarin ng administrasyong Quiambao–Sabangan na walang Bayambangueñong naiiwan sa paghatid ng serbisyong pampubliko. (RGDS/RSO; RobC, AG)


















