Mga Residente ng Paragos, San Gabriel 2nd, at Iton, Sunod na Pinuntahan ng KSB Year 9

Muli na namang naging isang “one-stop shop” ng mga serbisyo ng pamahalaan ang San Gabriel 2nd Covered Court matapos dalhin ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 para sa mga residente ng Brgy. Paragos, San Gabriel 2nd, at Iton nitong July 23, 2026.

Sa pagbubukas ng programa, winelcome ang team ni Punong Barangay Gildo A. Madronio ng San Gabriel 2nd, habang inihatid naman ni Councilor Jose S. Ramos ang pangunang mensahe.

Sa kanilang mensahe, muling binigyang-diin nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan na ang layunin ng KSB ay dalhin at ilapit mismo sa mga malalayong barangay ang mga pampublikong serbisyong kailangan ng mamamayan.

Sinundan ito ng orientation ni Dr. Roland M. Agbuya, Rural Health Physician, hinggil sa mga serbisyong handog ng programa bago tuluyang sinimulan ang paghahatid ng iba’t ibang libreng serbisyo ng pamahalaang bayan.

Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa mga residente ang libreng medical at dental consultation, late registration of birth, bakuna para sa mga alagang hayop, PESO employment services, pagre-renew ng business permit, pamamahagi ng buto at punla, legal consultation, pag-aapply para sa Enhanced Community Service Card, financial assistance, at libreng gupit.

Bukod sa mga pangunahing serbisyo, nagkaroon din ng surprise raffle draw, kung saan namahagi ng 50 sako ng tig-5 kilong bigas, libreng gatas, tsinelas para sa mga bata, libreng lugaw, at libreng sorbetes, na lalong nagbigay ng saya sa mga dumalo.

Sa pangunguna ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem, Jr. bilang Overall Coordinator, patuloy na nagsisilbing tulay ang KSB Year 9 sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan hanggang sa mga komunidad — patunay ng patuloy na hangarin ng administrasyong Quiambao–Sabangan na walang Bayambangueñong naiiwan sa paghatid ng serbisyong pampubliko. (RGDS/RSO; AG)