Tinalakay sa isang pagpupulong sa pagitan ng mga guro mula sa Departamento ng mga Wika ng Pangasinan State University – Bayambang Campus at ni Dr. Rafael L. Saygo, Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO) Head, ang mga proyektong naglalayong paigtingin at payabungin ang paggamit at pag-aaral ng wikang Pangasinan at Filipino.
Sa nasabing pagpupulong ngayong araw, Nobyembre 6, 2025, na ginanap sa MTICAO, binigyang-diin ang kahalagahan ng ortograpiya o tamang paraan ng pagsulat at paggamit ng mga wika bilang mahalagang hakbang sa pagpapanatili ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Bayambangueño.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagsasagawa ng mga seminar, pagsasanay, at extension activities sa pagitan ng LGU at ng akademya upang higit pang maitaguyod ang tamang paggamit ng wikang Pangasinan sa mga paaralan, tanggapan, at publikasyon ng lokal na pamahalaan. (Wrensly M. Calimlim; Karl Vincent Alvarez)




