Mga Programang Pangkalusugan, Agrikultura, Edukasyon, at Kapakanan ng Pamilya, Hinimay sa 1Q BPRAT Social Sector Meeting

Ang first quarter meeting ng Social Sector ng Bayambang Poverty Reduction Action Team ay muling tumalakay sa iba’t ibang programa at isyung panlipunan at pangkalusugan na hinarap ng komunidad.

Ang pulong ay isinagawa ngayong araw, Marso 24, 2026, sa Mayor’s Conference Room, at dinaluhan ng mga pinuno at kinatawan mula sa mga Rural Health Unit, Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Environmental and Solid Waste Management Office (ESWMO), Municipal Nutrition Action Office (MNAO), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang ahensya.

Tinalakay sa pulong ang mga programang may kinalaman sa kalusugan at nutrisyon, agrikultura, edukasyon, at kapakanan ng pamilya.

Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang pagsusulong ng backyard gardening. Iminungkahi ang pakikipag-ugnayan ng MNAO at MAO para sa hydroponics at pamamahagi ng mga punla. Napag-usapan din ang pagtatayo ng greenhouse malapit sa Animal Shelter.

Bilang bahagi ng adbokasiya sa nutrisyon, balak isagawa ang Bayambang Kitchenomics at isang pilot activity sa komunidad kung saan ipapakita ang pagluluto ng tatlong iba’t ibang putahe gamit ang pechay, isang gulay na mabilis lang tumubo at lumaki. Layunin nitong hikayatin ang mga residente na magtanim ng pechay sa kanilang mga bakuran.

Tinalakay rin ang ilang mahahalagang isyu na hinaharap ng komunidad, kabilang ang teenage pregnancy at rabies na pinangangasiwaan ng mga RHU, at ang pagsulong din ng sustainable backyard gardening practices.

Ibinahagi rin ang mga nakahanay na programang pangkabuhayan tulad ng hito production training na pangungunahan ng PESO, at ang patuloy na pagbibigay ng suporta sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) sa pamamagitan ng holistic intervention at counselling ng MSWDO, pati na rin sa Children in Need of Special Protection.

Naitala rin ang mataas na bilang ng mga kaso ng sexual abuse, kabilang ang maagang pakikipagtalik ng mga kabataang wala pang 15 taong gulang, na itinuring na seryosong isyung dapat tugunan.

Sa larangan ng edukasyon, iniulat na umabot sa 98% at 99% ang enrollment rate sa District 1 at District 2. Tinalakay rin kung ilang paaralan ang nagsagawa ng child mapping at ang mga intervention na naipatupad.

Napagkasunduan din ang recalibration ng BPRP na isinagawa o ipinatupad sa Mayo o Hunyo, kasabay ng patuloy na pagsuporta sa Sustainable Development Goals.

Ang susunod na quarterly meeting ay itinakda sa Hunyo 2026. (John Paulo Ballesteros/RSO; JMB)