Mga Plano at Programa para sa 2026, Tinalakay sa MDC Meeting

Sa idinaos na Municipal Development Council (MDC) Meeting ngayong araw, Setyembre 18, 2025, sa Balon Bayambang Events Center, iprinesenta at tinalakay ang tatlong mahahalagang dokumento: ang Supplemental Annual Investment Program (AIP) No. 2 for 2025, Revised AIP No. 1 for 2025, at ang AIP para sa CY 2026, upang ipaalam sa lahat ng dumalo ang detalye ng mga proyektong pangkaunlaran ng bayan at upang ang mga ito ay aprubahan.

Dumalo sa pagpupulong ang mga Punong Barangay, accredited CSOs, Local Finance Committee, Municipal Engineer Bernadette Mangande, LDRRMO Genevieve N. Uy, katuwang ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Konsehal Jose S. Ramos bilang Chairman ng Committee on Finance, Budget, and Appropriations.

Nasa pagpupulong din ang spokesperson ni Congw. Ma. Rachel “Baby” Arenas na si Councilor Jessica Gueco,  Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, OIC-MPDO/ICTO Ricky V. Bulalakaw, BPC President, Dr. Rafael L. Saygo, Budget Officer Marie Christine B. Terrado, at Municipal Treasurer Luisita B. Danan.

Ayon kay Councilor Gueco, “Ang MDC meeting ay nagsisilbing mahalagang plataporma ng koordinasyon at pagpaplano kung saan nagkakaisa ang LGU, mga punong barangay, at iba’t ibang sektor upang pagtibayin ang mga plano at proyektong magdadala ng kaunlaran, na bunga ng malasakit, partisipasyon, at pagkakaisa ng lahat.”

Sa pamamagitan ng pagtitipong ito, inaasahang mas magiging sistematiko at epektibo ang pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran tungo sa patuloy na pag-asenso ng Bayambang. (Charlaine Melendez, RGDS/RSO; JMB)