Mga Panukalang Programa at Pondo, Masusing Tinalakay sa 2-Araw na Technical Budget Hearing

Bilang bahagi ng paghahanda sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at proyekto ng lokal na pamahalaan para sa susunod na taon, sinimulan ng pamahalaang bayan ng Bayambang ang dalawang araw na Technical Budget Hearing upang matiyak ang maayos, episyente, at responsableng paglalaan ng pondo para sa mga programang pangkaunlaran at serbisyong panlipunan.

Isinagawa ang naturang technical hearing noong Hulyo 29–30, 2026 sa Mayor’s Conference Room (MCR), sa pangunguna ng Municipal Budget Office (MBO) sa pamumuno ni Budget Officer Marie Christine B. Terrado.

Dumalo rin sa pagpupulong si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Raijini S. Vidad, kasama ang mga department head at kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Sa isinagawang pagdinig, isa-isang inilahad ng bawat tanggapan ang kanilang mga panukalang badyet, kabilang ang mga prayoridad na programa, proyekto, at mga inisyatibang nakapaloob sa Annual Investment Program (AIP) ng munisipyo.

Layunin ng Technical Budget Hearing na masusing suriin ang mga panukalang pondo upang matiyak na ang bawat alokasyon ay naaayon sa mga pangangailangan ng mamamayan, mga itinakdang prayoridad ng pamahalaang lokal, at sa adhikaing makapaghatid ng mahusay, tapat, at episyenteng serbisyo publiko para sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang. (JLT/RSO; JMB, JLT)