Nagdaos ng isang pampublikong pagdinig ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bayambang ukol sa mga panukalang barangay ordinance na naglalayong magpatupad ng isang drug-free workplace policy nitong Setyembre 15, sa SB Session Hall, Legislative Building.
Pinangunahan ito nina Konsehal Jose Ramos, Chairman ng Committee on Rules, Laws and Ordinances, at Konsehal Rodelito Bautista, Chairman ng Committee on Public Order and Safety at Committee on Barangay Affairs.
Tinalakay sa pagdinig ng komite ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mekanismo laban sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa mga lugar ng trabaho sa mga barangay at mga penalty na ipapataw sa mga lalabag dito.
Inaasahang ang mga panukala ay hindi lamang mapapanatili ang disiplina at kaligtasan ng mga manggagawa sa mga barangay, kundi maprotektahan din ang kalusugan at kapakanan ng buong komunidad. (Dexter Cayabyab, RGDS/RSO; AG)








