Mga Ordinansa ng Lokal na Pamahalaan, Online Na!

Bilang pagpapalawig ng pagsunod sa Section 59 ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991 na naglalayong ipaabot sa lahat ng taga-Bayambang ang mga ordinansang isinasabatas ng lokal na pamahalaan, ginawang available online ng Office of the Sangguniang Bayan Secretary ang mga ordinansang aprubado na ng Sangguniang Panglalawigan.

Ang mga aprubadong ordinansa ay uploaded na sa LGU website na matatagpuan sa www.bayambang.gov.ph/municipal-ordinances.

Isa sa mga feature ng online database ay ang mabilis na paglabas ng resulta kung kayo ay maghahanap ng partikular na ordinansa. Sa kaunting letra lamang ay ipi-filter na ng online database ang mga ordinansang may katulad na titulo.

Madali ring makita kung sino ang author o sponsor ng bawat ordinansa at sa isang pindot lamang ay mababasa na ang buong ordinansa.

Inuna ng Office of the SB Secretary, na pinamumunuan ni G. Joel Camacho, ang mga pinakahuling ordinansa, mula 2024 hanggang 2018. Balak din nila na i-upload ang mga ordinansang naipasa mula 2016 sa mga susunod na araw.

Matatandaang dati-rati, kailangan pang pumunta sa Office of the SB Secretary upang humingi ng kopya ng ordinansa.

Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa layunin ng Team Quiambao-Sabangan na magkaroon ng transparent, accountable, at participative governance. (RBB/RSO; ICTO)