Sa kauna-unahang Management Committee (ManCom) Meeting ng Lokal na Pamahalaan ng Bayan, inilatag ng mga department at unit head ang kani-kanilang mga accomplishment report noong 2025 at iniulat ang mga estratehikong plano para sa 2026.
Ito ay ginanap noong Enero 13, 2025 sa Balon Bayambang Events Center, at pinangunahan nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Office of the Mayor (SATOM), Dr. Cezar T. Quiambao, kasama si Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad.
Kabilang dito ang mga tagumpay sa larangan ng edukasyon, kalusugan, agrikultura, imprastraktura, at pagprotekta sa kapaligiran, na lahat ay nakatulong sa pag-unlad ng bayan at sa pagpapabuti ng buhay ng mga Bayambangueño.
Binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng departamento para matiyak na matupad ang mga pangarap ng bayan. “Ang bawat hakbang na ating ginagawa ay para sa ikabubuti ng ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga nakamit at maingat na pagpaplano, tayo ay makakapaghatid ng mas mahusay na serbisyo,” aniya.
Samantala, binigyang-pugay ni SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao, ang mga departamento sa kanilang mga naiambag noong nakaraang taon at hinimok silang patuloy sa paglilingkod.
Sinabi rin niya na ang mga plano para sa 2026 ay nakatuon sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bayan, pagpapalawak ng mga serbisyong panlipunan, at pagpapaunlad ng mga pasilidad na makikinabang sa lahat ng sektor ng lipunan.
Si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, naman ay nagbigay ng mga patnubay ukol sa mga prosesong administratibo at legal upang tiyakin na ang mga plano ay maisasakatuparan nang maayos at naaayon sa batas.
Layunin ng pagpupulong na pag-isahin ang mga pagsisikap ng lahat ng yunit ng LGU, tiyakin ang pagkakaisa ng adyenda, at magtakda ng malinaw na mga hangganan para sa mga gawain sa darating na taon. (VMF/RSO; AG)







