Mga Munting Bituin, Nagningning sa Grand Coronation ng Little Mr. & Ms. Bayambang 2026

ni Mac Marvie Garcia

Bilang bahagi ng Pista’y Baley 2026, nagningning ang mga chikiting sa pagtatanghal ng Grand Coronation ng Little Mr. & Ms. Bayambang 2026 sa Balon Bayambang Events Center noong Lunes, ika-30 ng Marso 2026.

Sa 26 na kandidato at kandidata ng kumpetisyon, nagwagi bilang Little Mr. Bayambang 2026 si Jandrix Keon E. San Juan ng Barangay Zone VI at Little Ms. Bayambang 2026 naman si Kye Astrid Miranda ng Barangay Zone I, matapos ang huling rampa ng kumpetisyon.

Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Municipal Nutrition Officer Ms. Venus Bueno na ang pageant ay hindi lamang tungkol sa ganda o titulo, kundi tungkol sa paglago ng karakter at paghahanda para sa kinabukasan.

“This pageant is so much more than a competition; ang Little Mr. and Ms. Bayambang ay isang magandang training platform; ito ang entablado kung saan masasanay silang humarap sa tao, palakasin ang kanilang kumpiyansa sa sarili, at matutunan ang kahalagahan ng sportsmanship at pagkakaibigan,” ani Ms. Bueno.

Ipinarating din ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao ang kanyang mensahe sa mga batang kalahok bilang “heartbeat” ng bayan. “They are the heartbeat of our town and today, they are showing us that the future of Bayambang is not just bright; it is dazzling.” Dagdag pa niya, “isang kinabukasan na puno ng talento, pangarap, at pag-asa ang naghihintay para sa kanila.”

Naging organisado at masaya ang buong programa sa ilalim ng direksyon ni Mr. Sergio delos Santos. Sa tulong niya, nagningning ang mga bata sa bawat segment–mula sa swimwear hanggang sa huling pagrampa at question-and-answer round.

Sa kabilang banda, itinanghal naman bilang 1st Runner-Up sina MC Caiden Arckie J. Soriano ng Barangay Zone VI at Jhonie Shaine G. Saygo ng Barangay Amanperez. Nagwagi rin ng titulong 2nd Runner-Up sina Den Marcus F. Ubando ng M.H. Del Pilar, at Christina Heaven Rae Flores mula sa Barangay Cadre Site.

Bukod sa pagkamit ng titulo, nakakuha si Kye ng Most Charming Award, Photogenic Award, at Little Ms. Best in Talent, habang si Jandrix naman ang iba pang mga awards gaya ng Most Charming Award, Best in Summer Wear, Best in Formal Wear, at bilang Bacon Buffalo and Beyond Ambassador.

Samantala, ipinasakamay rin ang iba pang mga special awards kagaya ng Top Model award, na nakuha nina Master Emman T. Bravo ng Barangay Zone VII at Gia Neomi S. Pascual mula sa Bacnono. Ang Bibo Kid Award naman ay iginawad kina Simeon Gaeb B. Dela Cruz ng M.H Del Pilar at Apple Samantha A. Nepacina ng Buenlag 2nd. Natawag din sa kakyutan bilang Most Adorable Awardees sina Den Marcus F. Ubando ng M.H. Del Pilar at Jhonie Shaine G. Saygo mula sa Amanperez. Nanalo naman ng Mr. Photogenic Award si Caiden Arckie J. Soriano ng Barangay Zone VI.

Bilang karagdagan, sa Mr. Best in Talent naman ay nanalo si Calvin Nathan J. Rañopa ng Zone VI, samantalang tinanggap naman ni Catriona Mitch V. Toledo ng Barangay Malimpec ang Best in Ms. Summer Wear. Nasiguro rin ni Christina Heaven Rae Flores mula sa Cadre Site ang Best in Long Gown.

Naging Darling of the Crowd din sina Master Emman T. Bravo at Jhonie Shaine G. Saygo. Bilang panghuli, nakatanggap din ng gift certificates bilang Bacon Buffalo and Beyond Ambassadors sina Jandrix Keon at Catriona Mitch V. Toledo.

Ang basehan ng tagumpay ng mga kalahok ay dumaan sa masusing pagsusuri ng lupon ng mga inanyayahang hurado na binubuo nina Ms. Dannadel S. Vilar, Atty. Emmanuel E. Laforteza, at Atty. Mariel A. Yanogacio-Caboteja.

Sa pagtatapos ng patimpalak, nagpahayag naman ng mensahe ang OIC at over-all in-charge na si Councilor Levinson Nessus Uy na punung-puno ng pag-asa at pagmamalaki sa mga batang Bayambangueño. “Nasaksihan natin ang kinabukasan ng Bayambang. Ang ating mga munting bituin ay buong tapang na nagpakita ng galing, talino, at kumpiyansa sa kanilang mga sarili,” ani Uy.

Bilang pagkilala sa husay ng bawat kalahok, naghandog ng espesyal na regalo si Mayor Niña para sa lahat ng mga bata bilang simbolo ng pasasalamat sa kanilang dedikasyon at talentong naghatid ng saya at inspirasyon sa buong Bayambang. Ang Little Mr. at Ms. Bayambang 2025 ay isang malinaw na patunay ng nagniningning na talino at pangarap ng kabataang Bayambangueño. (larawan nina: Jamie Gantalo, Nathan Scott – The Reflector, Andrew Casipit at Wrensly Calimlim)