Mga Makabagong Babaylan ng Bayambang, Nagningning sa Hollywood-Themed Women’s Night 2026

Binigyang-buhay ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang isang makislap at engrandeng Women’s Night 2026 na may temang Hollywood, kung saan bawat kababaihang dumalo ay itinuring na isang bituin sa sariling entablado.

Sa pagbubukas ng programa sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sinundan ito ng mga makabuluhang mensahe nina Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan at Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao, na kapwa nagpahayag ng paghanga sa lakas, talino, at ambag ng kababaihan sa pag-unlad ng bayan.

Pagkilala sa Ulirang Kababaihan ng LGU

Isa sa mga tampok ng gabi ang pagbibigay-pugay sa mga ulirang babaeng empleyado ng lokal na pamahalaan. Bawat isa ay ginawaran ng sertipiko bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at serbisyo. Ang seremonyang ito ay nagsilbing paalala na ang tunay na bituin ay yaong patuloy na naglilingkod sa komunidad.

Red Carpet-Inspired Contest Proper

Mahigit 40 kababaihan ang rumampa sa entablado, ipinamalas ang kanilang ganda, kumpiyansa, at personalidad sa tatlong kategorya: Best in Attire, na napanalunan ni Coleen Red Darang; Best in Runway Walk, na napanalunan ni Myra Flor Ferrer; at Star of the Night, na napanalunan ni Jennifer Tabuga. Sa bawat kategorya, tig-tatlong kababaihan ang nagwagi at tumanggap ng gift checks bilang gantimpala. Ang mga hurado, na binubuo ng mga kinatawan mula sa larangan ng kalusugan, Dr. Dave Gamboa, Medical Director ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center Inc.; pamamahala, Atty. Arnel Glorioso, Hospital Director ng JKQ Medical and Wellness Center; at community development, Dr. Romyl Junio ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc., ang nagsilbing gabay sa pagpili ng mga nagningning sa spotlight.

Kasiyahan at Aliwan

Bukod sa mga patimpalak, pinasigla ang gabi ng mga intermission number, serenade, at sayawan. Nagkaroon din ng “Dance for All” segment na nagbigay pagkakataon sa lahat na makisaya. Ang raffle draw, kung saan gift checks ang premyo, ay lalong nagdagdag ng excitement sa mga dumalo.

Hollywood Glam Experience

Upang mas maramdaman ang temang Hollywood, tampok din ang mobile bar, 360-degree video booth, grazing table, at buffet na nagbigay ng karagdagang aliw at karanasan sa mga panauhin. Ang bawat detalye ay nagpaalala na ang Women’s Night ay hindi lamang selebrasyon kundi isang engrandeng karanasan na nagpapadama sa importansya ng kababaihan sa ating komunidad at lipunan.

Sa kabuuan, nagsilbing isang gabi ng pagkilala at pagbibigay-pugay ang naturang selebrasyon sa mga kababaihan ng Bayambang sa pag-oorgnisa ng mismong mga kalalakihan, sa pangunguna ni RHU III head, Dr. Roland Agbuya bilang punong abala, hanggang sa scriptwriter at mga emcee nito na sina Councilor Jan David Nazer Junio, Municipal Accountant Flexner de Vera, Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio.

Ang mga kababaihan ay itinanghal na mga makabagong babaylan na patuloy na nagniningning at nagbibigay inspirasyon, hindi lamang sa entablado kundi sa tunay na buhay. Ang temang “Shining Bright: Celebrating Women in Their Own Spotlight” ay matagumpay na naisabuhay, at ang bawat dumalo ay umuwi na may baong alaala ng pagkilala, kasiyahan, at pagmamahal sa kanilang papel bilang ilaw ng bayan. (RSO, SMUGC; first 24 photos: RobC, AG)