Mga Mahahalagang Isyu ukol sa Mabuting Pamamahala, Tinalakay sa Pulong ng mga Punong Barangay

Pinulong ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang lahat ng 77 punong barangay ng Bayambang upang talakayin ang mahahalagang isyu kaugnay ng mabuting pamamahala, transparency, at paghahanda sa mga nalalapit na hamon sa pamahalaang barangay.

Isa sa mga pangunahing paksa ang mga reporma sa 4Ps, partikular ang mas malinaw at makatarungang pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo, upang matiyak na ang tulong ng pamahalaan ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan.

Tinalakay rin ang kapakanan ng mga senior citizen, kung saan binigyang-diin ang wastong paggamit ng 1% pondo para sa senior citizens at ang pagsasagawa ng eleksyon ng mga bagong opisyal ng Federation of Senior Citizens Associations of Bayambang (FSCAB) bago matapos ang buwan ng Pebrero.

Pinag-usapan din ang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2, 2026, kabilang ang calendar of activities, voter registration, at ang pagpapatupad ng Anti-Epal Ordinance upang maiwasan ang personal na paggamit ng mga proyektong pinondohan mula sa buwis ng mamamayan.

Binigyang-pansin din ang ordinansa ukol sa waste disposal and management bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LGU na isulong ang disiplina at pangangalaga sa kapaligiran sa antas ng barangay.

Iginiit ng alkalde ang mahalagang papel ng mga Punong Barangay bilang katuwang ng pamahalaang lokal sa pagtataguyod ng tapat, makatarungan, at responsableng pamamahala para sa lahat ng Bayambangueño. (WMC/Precious Jewel Espejo; AG)