Mga Magsasaka ng Bayambang, Ginawang Sining ang Kanilang Ani

Nagtayo ng hanay ng makukulay na booth sa tabi ng Balon Bayambang Events Center ang mga magsasaka at negosyante upang ipakita ang kanilang pinakamahusay na produktong ani at lokal na delicacies sa pagdiriwang ng Farmers’ Day noong Marso 31, 2025.

Ang nasabing kaganapan ay nagsilbing plataporma upang kilalanin ang mga lokal na magsasaka at ipakita ang pinakamahuhusay na produktong pang-agrikultura mula sa siyam na kalahok na distrito.

Kapansin-pansin na ang Bayambang ay nananatiling tanging bayan sa Pangasinan na nagdiriwang ng Farmers’ Day, patunay sa matibay nitong suporta at pagpapahalaga sa sektor ng agrikultura.

Sa temang “Mankirlap, Magaygayagan Bayambang,” itinampok sa Farmers’ Booth Competition ang samu’t saring produkto na natatangi sa bawat distrito. Mula sa gulay at sibuyas hanggang sa hydroponically grown lettuce at organic rice, ipinakita sa mga booth ang kasaganahan at pagkakaiba-iba ng agrikultura sa Bayambang.

Ang buro at atchara ng District 2, pati na rin ang kanilang mga sibuyas, ay naging patok sa mga mamimili, habang ang District 9 naman ay humanga sa mga bisita sa pamamagitan ng kanilang hydroponic urban farming display.

Sa kasagsagan ng paligsahan, itinanghal na kampeon ang District 3 sa Farmers Booth Competition matapos makakuha ng impresibong iskor na 91.67%, na may premyong ₱20,000. Nakuha naman ng District 7 ang 1st Runner-Up na may 84% iskor at ₱15,000 na gantimpala, habang itinanghal na 2nd Runner-Up ang District 1 na may 83.67% iskor at ₱10,000 na premyo.

Binisita ng mga lokal na opisyal ang bawat booth, masusing ininspeksyon ang mga produkto, at nakipag-usap sa mga magsasaka hinggil sa kanilang ani at mga teknik sa pagsasaka.

Ibinahagi rin ng mga magsasaka ang kanilang kasabikan at mga hamong kanilang hinarap sa paghahanda para sa kaganapan. Ayon kay Bernie Ancho ng District 1, “Malaking tulong ito para sa amin. Para maipresent ang mga produkto ng District 1. Kabado, masaya, at halo-halo na. Farmers’ Day lang, pero pabonggahan na rin.”

Bukod sa Farmers’ Booth Competition, tampok din sa pagdiriwang ang isang masiglang food bazaar kung saan natikman ng mga bisita ang iba’t ibang delicacies mula sa iba pang bayan, tulad ng tablea de cacao mula Mangaldan, kabute mula Rosales, at espesyal na banana chips at sweet peanuts mula Calasiao.

Ilan sa mga natatanging produkto ay ang charcoal bamboo soap na binuo ng DOST-Forest Products Research and Development Institute at mga organikong pataba.

Samantala, agaw-atensyon ang trending na mga produkto gaya ng cacao vinegar at cacao wine mula Mangaldan, habang nag-ambag rin sa tagumpay ng kaganapan ang mga nagtitinda mula sa mga lokal na kooperatiba at exhibitors ng Kadiwa ng Pangulo.

Ipinakita rin sa feedback ng mga dumalo ang positibong epekto ng event. Ayon sa isang mamimili, “Okay ito, kasi naipopromote at nakikilala ang aming mga produkto.”

Ibinida rin ng iba ang abot-kayang presyo ng mga produkto kumpara sa mga nasa pamilihan, kaya naman parehong panalo ang mga nagtitinda at mamimili sa pagdiriwang na ito.

Isinulat nina: Jamilla L. Alcantara / Samantha Katrina Ysabela DV. Soriano

Mga larawan nina: Aaron Gabriel P. Mangsat, JV Baltazar

Inedit nina: Mr. Frank Brian S. Ferrer / Mr. Mark Ivhan Jay N. Peralta