ni Catrina Joy Dayog, The Reflector
Hindi lamang simpleng ani kundi mga produktong bunga ng inobasyon mula sa kabukiran ang naging sentro ng pagdiriwang sa pagbubukas ng Agri-Trade Fair 2026 sa Bayambang Public Plaza, ika-28 ng Marso, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao at sa pangunguna ni Councilor Gerardo ‘Gerry’ Flores at Municipal Agriculture Office, opisyal na binuksan ang trade fair bilang bahagi ng grand opening ng Pista’y Baley.
Layunin ng aktibidad na ito na bigyang-pugay ang pagsisikap ng mga lokal na magsasaka at ipakita ang transpormasyon ng mga hilaw na materyales patungo sa mga produktong pang-komersyal.
Nagtipun-tipon sa tapat ng Municipal Hall grounds ang walong distrito ng bayan upang ipakita ang kanilang pagkakaisa at pagkamalikhain.
Tampok sa bawat booth ang mga produkto gaya ng buro, atsarang sibuyas, gipang (lokal na uri ng pinipig), at iba pang mga inani at prinosesong bunga mula sa mga sakahan sa Bayambang.
Kaugnay nito, isang espesyal na pagkilala ang ibinigay kay Gng. Nelia Evangelista, na 59 taon nang gumagawa ng gipang, bilang simbolo ng katatagan ng lokal na tradisyon sa pagpoproseso ng pagkain.
Ayon sa mga dumalong magsasaka at negosyante, ramdam nila ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga subsidy sa gasolina, binhi, at abono.
Ibinahagi naman ni Gng. Joy Gabriel mula sa Ikalawang distrito, kung paanong ang pagsasaka ang nagtaguyod sa pag-aaral ng kaniyang tatlong anak. Ayon sa kaniya, ang pakikinig ng Local Government Unit (LGU) sa kanilang mga hinaing ang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay.
“Pinakikinggan ng LGU-Bayambang ang aming hinaing at ginagawa ang lahat upang matugunan ang aming pangangailangan,” ani Gabriel.
Samantala, sa kabila ng nararanasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis sa bansa, tiniyak ng mga magsasaka sa trade fair na mananatiling mababa at abot-kaya ang presyo ng kanilang mga tinda para sa publiko.
Ang Agri-Trade Fair ay isa sa mga pinaka-inaabangang bahagi ng Pista’y Baley, patunay na ang pagsasaka sa Bayambang ay hindi lamang basta trabaho, kundi isang dangal na nagbubunga ng mga produktong de-kalidad at pangmasa. (photos: Errol Andrade, The Reflector)











