Mga Magsasaka at Agri Students, Nagsanay sa “Digital Farming”

Isang “Training of Trainers on Digital Farmers Program 101/102 Farmer Level” ang inorganisa noong ika-13 ng Oktubre, 2023, ng Municipal Agriculture Office sa Balon Bayambang Events Center.

Ito ay dinaluhan ng mga lokal na magsasaka kasama ang ilang mag-aaral mula sa Bayambang Polytechnic College (BPC).

Ayon kay OIC Municipal Agriculturist Zyra N. Orpiano, ang Digital Farmers Program ay may layuning turuan ang mga magsasaka at manggagawa sa agrikultura tungkol sa mga pangunahing aspeto ng digital technology na naaangkop sa pagsasaka at agrikultura.

Ani ATI-RTC 1 Information Officer III, Dr. Marielle Dacapias, “Naniniwala kami na ang digital farming and modernization ay makakatulong sa inyong mga magsasaka na mapalakas ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan. Sa tulong ng teknolohiya, ito ay mas magiging epektibo sa pag-aani at mas makakamit ninyo ang mataas na kalidad ng mga produkto.”

Sa programa ay bumisita sina Hon. Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Coun. Philip Dumalanta, at Coun. Martin Terrado II at nagpasalamat sa ipinapakitang dedikasyon ng mga magsasaka.

Ibinahagi nina Ms. Raiza Mae Cacal ng Municipal Agriculture Office at Mr. Albert Maiquez ng Bayambang Polytechnic College ang kanilang kaalaman hinggil sa iba’t-ibang paksa, kabilang ang Internet of Things (IoT) Devices, Smart phone 101, Accessing the Internet, Internet Safety Basics, Introduction to Social Media Marketing, Advanced Social Media Marketing (Basic Photography using Smartphone, Social Media Content Creation Using Canva, Social Media Marketing Plan), Agri Applications (SPIDTECH, Plant Doctor, RCM, Binhing Palay App, e-Damuhan), e-Commerce Platforms (Facebook, e-Kadiwa, Shoppee, Lazada), at Digital Transaction/Online Payment.

Nagkaroon din ng mini-games para mai-apply ang kanilang natutunan kaya’t naging mas interaktibo at kasiya-siya ang proseso ng training.

Sa pagtatapos, binigyang-diin ni MAFC Chairman Ms. Resie M. Castillo ang kahalagahan ng teknolohiya sa agrikultura at ang kanyang pasasalamat sa lahat ng dumalo.