“Tayong mga babae ang ilaw at pundasyon ng isang matatag na pamilya at pamayanan.”
Ito ang pahayag na mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na binasa ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, sa ginanap na pagbubukas ng Marso bilang Buwan ng Kababaihan noong, Marso 3, 2025, sa Monday flag ceremony sa Balon Bayambang Events Center.
Isang espesyal na surpresa ang inihatid ng host sa nasabing seremonya, ang Bureau of Fire Protection, upang kilalanin ang kahalagahan ng mga kababaihan sa lipunan.
Ang Women’s Month 2025 ay mayroong tema na, “Babae sa Lahat ng Sector, Aangat ang Bukas SA BAGONG PILIPINAS.”
Bilang bahagi ng surpresa, ang mga kababaihan, sa pangunguna ng lahat ng department, unit at agency heads sa Bayambang, ay pinagrampa at tinawag sa harapan upang umakyat ng stage.
Matapos nito, sila ay binigyan ng mga bulaklak na rosas mula sa MSWDO bilang simbolo ng pasasalamat at paggalang sa kanilang mga kontribusyon sa komunidad.
Nagkaroon din ng mga harana at pagtatanghal bilang bahagi ng surpresa. Si Mr. Vandave Paragas ay naghandog ng isang awit na puno ng damdamin at papuri sa mga kababaihan, samantalang si FO2 Marc Brian Gapasin ng BFP Regional Office 1 ay naghandog ng isang makabagbag-damdaming violin performance.
Isang Monday dance exercise ang pinangunahan ng BFP kasama ang mga PNP interns habang ang mga ito ay nakapalda bilang tanda ng pakikiisa sa mg kababaihan sa selebrasyon.
May sariling dance intermission number din ang mga BFP fire officers bilang pangdagdag saya.
Ang pagdiriwang na ito ay isang paalaala ukol sa kahalagahan ng kababaihan sa lipunan at ang patuloy na pagsagawa ng mga inisyatibo para sa pagkakapantay-pantay at empowerment ng lahat ng sektor. (RGDS/RSO; AG)