Mga Isyu sa Barangay, Tinalakay sa Special Meeting na Pinangunahan ni Mayor Niña

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang espesyal na pagpupulong kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay upang talakayin ang mahahalagang usaping makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng bayan.

Isinagawa ang pulong noong Abril 20, 2026 sa Balon Bayambang Events Center, kung saan dumalo ang lahat ng 77 Punong Barangay. Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang iba’t ibang hinaing at suhestiyon kaugnay ng mga problemang kinahaharap sa kani-kanilang nasasakupan.

Nagkaroon ng open forum kung saan binigyang-diin ang mga lokal na isyu tulad ng sirang kalsada, problema sa drainage, waste management, usapin sa pangkapaligiran, at maging pagpapatuloy ng mga ongoing na proyekto. Binigyang-linaw din ni Mayor Quiambao ang usapin tungkol sa umano’y pagkansela ng pista sa mga barangay, at iginiit na wala siyang inilabas na ganitong pahayag. Sa halip, hinikayat niya ang mga Punong Barangay na maging maingat at responsable sa paggastos para sa kanilang mga aktibidad.

Tinalakay rin sa pulong ang kahalagahan ng maayos na pamamahala lalo na sa krisis na kinahaharap ngayon ng bayan sa langis. Kabilang din dito ang papel ng mga lider sa pagpigil sa pagkalat ng maling impormasyon o fake news sa komunidad.

Kasama ni Mayor Niña sa nasabing pulong sina Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Board Member Raul Sabangan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad. (JLT/RSO; RobC (first 4 photos), AG)