Mga Inisyatibang Pang-Edukasyon, Binigyang-Diin sa LSB Meeting

Muling tinalakay ang mga pangunahing usapin hinggil sa edukasyon sa isinagawang pulong ng Local School Board (LSB) noong  Agosto 27, 2025, sa Sangguniang Bayan Session Hall.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, pinangunahan ang pulong ni LSB Executive Director Rolando Gloria.

Kabilang sa mga pinagtuunan ng pansin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF), paghahanda para sa selebrasyon ng World Teachers’ Day, at ang halalan ng mga bagong opisyal ng Municipal Federated PTA.

Tinalakay rin ang supplemental budget para sa Don Teofilo Mataban Memorial Elementary School, pati na ang kasalukuyang kalagayan ng isang restroom facility para sa mga SPED learner, na nakikitang mahalagang bahagi ng pagtugon sa kanilang natatanging pangangailangan.

Bukod dito, tinalakay rin ang isasagawang “Dagyaw 2025: Sama-samang Hakbang Tungo sa Mataas na Antas ng Literasiyang Rehiyon Uno,” isang programang naglalayong isulong ang mas mataas na antas ng literacy sa rehiyon.

Ang nasabing pagpupulong ay isang hakbang ng LSB sa kanilang pangako na paunlarin ang mga programang nakasentro sa kabataan at mga paaralan, bilang pundasyon ng patuloy na pag-unlad ng edukasyon sa Bayambang. (Karl Vincent Alvarez/Wrensly M. Calimlim/RSO; JMB)