Mga Hepe ng BFP Region I, Nagtipon sa Bayambang para sa 50th Fire Service Recognition Day

Noong December 19, 2023, nagtipon-tipon ang lahat ng mga hepe ng Bureau of Fire Protection-Region I, para sa kanilang 50th Fire Service Recognition upang kilalanin ang mga bumbero sa kanilang mga natatangi at nagawang di matatawarang pagseserbisyo sa bayan.

Ito ay idinaos sa pamumuno ni BFP-Region I Director, CSUPT LEONIDA V GUMANAB-ROSALES, DSC, na malugod na sinalubong ng lahat ng hepe at ibang kawani ng BFP Region 1 sa Balon Bayambang Events Center.

Naroon si Vice Mayor IC Sabangan upang tumayong kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao bilang isa sa mga mahalagang panauhin sa naturang programa.

Naging representante naman ni Gov. Ramon Guico III si dating Municipal Administrator, Atty. Raymundo Bautista Jr., na ngayon ay siyang Pangasinan Provincial Economic Development and Investment Promotion Officer bilang panauhing pandangal.

Sa ginanap na programang ito ay nakatanggap ng prestihiyosong Medalya ng Kasanayan ang ating Bayambang Fire Station sa pangunguna ni FSINSP DIVINA S CARDONA para sa kanyang naging tagumpay na magsanay ng mga tinatawag na Community Fire Auxiliary Group sa 77 Barangay ng Bayambang at iba pang pampubliko at pribadong sektor sa bayan ng Bayambang.

(by RSO; photos: Ace Gloria)