Mga Hanay ng Aktibidad para sa Pista’y Baley 2026, Inilatag sa Pulong

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang pagpupulong ukol sa mga paghahanda para sa gaganaping Pista’y Baley 2026, kung saan binalangkas ang mga aktibidad na bubuo sa selebrasyon na nakatakdang ganapin sa March 28 hanggang April 1, at April 5.

Isasagawa ang Pista’y Baley 2026 sa ilalim ng temang “Bayambang: Ang Bayang Pinapangarap,” o sa wikang Pangasinan, “Bayambang: Say Baley ya Pirpirawat,” na sumasalamin sa kolektibong adhikain ng pamahalaang lokal at ng mamamayan para sa isang progresibo, inklusibo, at masaganang bayan.

Ang limang araw na kapistahan ay magtatampok ng mga aktibidad kabilang ang pagbubukas ng isang animal shelter, agri trade fair, Thanksgiving Mass, Binibining Bayambang, mega-job fair, dike cleaning at painting activity, Farmers’ Day celebration, Little Mr. & Ms. Balon Bayambang, Ukay for a Cause, People’s Night and Street Party, Matalunggaring Awards, at fireworks display.

Binigyang-diin rin sa pulong na ginanap noong January 6, 2026 sa Mayor’s Conference Room ang maayos na koordinasyon at aktibong partisipasyon ng iba’t ibang tanggapan at ng mga konsehal na inaasahang mangunguna sa kani-kanilang mga nakatalagang komite.

Ang selebrasyon ay inaasahang maging plataporma upang maipamalas ang mayamang kultura, sigla ng komunidad, at diwa ng bayanihang Pilipino na patuloy na humuhubog sa pagkakakilanlan ng Bayambang. (WMC/RSO; Rob Cayabyab, AG)