Anim na empleyado ng Munisipyo ang inisyuhan ng reprimand letter matapos silang mahulihan ng violation kabilang ang hindi pagsuot ng helmet habang nagdadrive at kawalan ng side mirror, ayon sa ulat ng Task Force Disiplina members.
Sila ay humarap sa Grievance Committee ngayong araw, Oktubre 1, 2025, sa Agriculture Office Conference Room, sa pangunguna ni Municipal Administrator at TFD Adjudication and Administrative Unit head, Atty. Rodelynn Rahini S. Vidad, at HRMO head Nora Zafra, kasama ang iba pang miyembro ng komite.
Ang mga naturang kawani ay pinagpapaliwanag sa pamamagitan ng isang liham sa loob ng 72 oras kung bakit nagawa ang violation.
Sila ay binigyan ng stern warning at pinagbayad ng fine sa mga naturang violation.
Ipinaliwanag din sa kanila na bilang civil servants ay dapat sila ang maging modelo ng pagsunod sa batas, at ang pagsunod sa batas trapiko ay hindi pasanin o parusa kundi para na rin sa sarili nilang proteksyon at kaligtasan ng ibang kapwa motorista.
Binalaan ang mga kawani na papatawan ng parusang dismissal sa trabaho sa ikalawang offense.
Ang aksyong ito ay patunay na walang kinikilingan ang Task Force Displina. (RSO; HRMO)





