Mga Cosplayer, Rumampa sa Paskuhan sa Bayambang 2023; Contestant mula Maynila, Kampeon

Nagmistulang ibang planeta ang Balon Bayambang Events Center sa ginanap na kauna-unahang Cosplay Competition sa Bayambang bilang parte ng selebrasyon ng Paskuhan sa Bayambang 2023 noong ika-17 ng Nobyembre, 2023.

Naging kamangha-mangha ang okasyon sapagkat binigyang-buhay ng mga cosplayer ang kanilang mga karakter sa pamamagitan ng makukulay na make-up at wig at detalyadong costume at props. Ang mga cosplayer ay gumamit ng iba’t ibang materyales upang gawin ang kanilang kasuotan, at masusing ikinabit ang iba’t-ibang dekorasyon na kanilang ginamit sa patimpalak.

Mayroong 53 cosplayers ang lumahok sa patimpalak kabilang na rito ang mga miyembro ng Pangasinan Cosplay and Otaku Community. Nangibabaw ang karakter na Iron Patriot ni Christian Umali ng Parañaque, Metro Manila na siyang naging grand winner at nag-uwi ng P10,000 cash prize. Ang 1st runner-up mula sa Angeles City, Pampanga ay si Lady Antrax bilang si Maleficent, at siya ay nakatanggap ng P7,000. Ang 2nd runner-up naman ay mula sa San Carlos City, Pangasinan na si Kim Cangas bilang si Halo Master Chief at nag-uwi ng P5,000. Nakatanggap naman ng consolation prize ang unang 30 participants na nakapagregister sa cosplay contest.

Ang mga hurado sa patimpalak ay sina Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad, BMCCA Executive Director, former PSU professor Januario Cuchapin, ang representante ni OIC Municipal Accountant Flexner de Vera, at sina Binibining Bayambang 2018 Gabrielle Marie Reloza at Binibining Bayambang 2023 Sandra de Luna.

Ang cosplay contest ay nagbigay daan sa mga cosplayer upang ipakita ang kanilang passion at creativity sa cosplay performance art at nagbigay ng ibayong kulay, aliw, at saya sa opening ng Paskuhan sa Bayambang 2023. (Angel P. Veloria/RSO)