Mga Chikiting ng LGU Employees, Naki-Trick or Treat

Nabalot ang Events Center ng katata-cute-tan, kasiyahan, at pagkamalikhain sa pagsuot ng costume ng mga anak ng LGU employees sa ginanap na LGU Halloween Party noong October 27.

Ito ay inorganisa ng Municipal Administrator’s Office sa tulong ng Nutrition Action Office, at dinaluhan nina Acting Mayor Ian Camille Sabangan at Special Economic Enterprise head, Atty. Melinda Rose Fernandez.

Masayang naki-trick or treat ang mga chikiting sa iba’t-ibang opisina ng Munisipyo, at mistulang nagparamihan ng nakolektang kendi.

Naging highlight ng okasyon ang pagrampa ng mga bata sa kani-kanilang napiling Halloween costume.

Nagwagi ang tatlong batang bibo na nagpakita ng pagiging kakaiba at malikhain na kasuotan kung kaya’t sila ay nakatanggap ng tig-P3,000 cash prize. Sila ay sina Kelsey Wilshianfe Rebamontan, Vince Xyler Ferrer, at Kendyleigh Valera.

Naging hurado sa event na ito sina HRM Officer Nora Zafra, MENRO Joseph Anthony F. Quinto, at Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio.

Samantala, namahagi naman si Dr. Junio ng libreng toothbrush at toothpaste kasabay ng paalaala na magtoothbrush ang mga bata matapos kumain ng kendi upang makaiwas sa tooth decay.