Mga Chikiting, Muling Nagtagisan sa Halloween Costume Contest

Muling nagpatalbugan ang mga anak, apo, at pamangkin ng LGU employees sa Halloween Costume Contest 2024 na inorganisa ng Administrator’s Office noong October 29, 2024.

May 136 na tsikiting ang naging kalahok, at sila ay isa-isang rumampa sa entablado ng Balon Bayambang Events Center suot ang kani-kanilang Halloween costume na talaga namang pinaghandaan at kahanga-hanga sa pagiging malikhain.

May binihisan bilang isang tiyanak, si Kamatayan, manananggal, at si Maleficent, ngunit mayroon ding nagbihis na parang unicorn, anghel, Christmas tree, at pati na Star Wars character.

Itinanghal na grand winner si RJ Maeve Mithelma Orpilla, 1st runner-up si Kendyleigh Valera, 2nd runner-up si Iven Zephyr Romero, at 3rd runner-up at Eziquel Josh Fama. Sila ay nakatanggap ng P10,000 (grand prize), P7,000 (1st runner-up), P5,000 (2nd runner-up), at P3,000 (3rd runner-up).

Ang naturang mga papremyo ay may kabuuang P25,000 na mula sa sariling bulsa ni Mayor Niña Jose-Quiambao.

Naroon sina 2024 Bb. Bayambang Reign Joy Lim at events organizer-restaurateur Lyra Pamela Duque bilang judges.

Matapos ang costume contest ay nakipag-trick or treat ang mga chikiting sa iba’t ibang tanggapan ng Munisipyo, at ang lahat ay umuwing bitbit-bitbit ang isang basket ng naipong mga sweet treats.

Mayroon pang cotton candy booth ang MTICAO sa Annex Bldg. na talaga namang pinilahan ng marami. (Angela Suyom/RSO; JMB, AG, Rob Cayabyab)