Mga Bayambangueño, Nagpasiklaban ng Talento sa Himigsikan Singing Contest

Bilang pinakahuling bahagi ng tatlong-buwang selebrasyon ng Bayambang Tourism Month 2025, nagtipon-tipon ang mga Bayambangueño noong Nobyembre 24 sa harap ng Municipal Hall grounds para sa kapana-panabik na Himigsikan Singing Contest, isang patimpalak na nagbigay-daan upang maipamalas ang husay at galing ng mga lokal na mang-aawit.

Sa pagsisimula ng programa ganap na alas-syete ng gabi, sunud-sunod na nagpamalas ng kanilang boses at galing sa entablado ang mga kalahok.

Matapos ang mga kahanga-hangang pagtatanghal, itinanghal na kampeon si Gracia Reigne Rojas, na nag-uwi ng ₱5,000. Nasungkit naman ni Liz Natalie Cabanilla ang 1st runner-up na may premyong ₱3,000, habang si Jaylord Zed Gangano ang nagkamit ng 2nd runner-up na may ₱1,000 na gantimpala.

Nagsilbing mga hurado sa patimpalak sina Jonas Yasi Bugarin, Melanie Romero Junio, at Maria Cristina Gamo, na maingat na nagbigay ng puntos batay sa husay, boses, at performance ng bawat kalahok.

Sa pagtatapos ng gabi, muling napatunayan na ang Bayambang ay tahanan ng mga talentadong indibidwal na handang ibahagi ang kanilang talento sa musika, isang patunay na buhay at patuloy na yumayabong ang kultura at sining sa bayan. (RGDS/RSO; KVA)