Mga Batang Bayambangueño, Sumali sa Larong Pinoy at Nakinig sa Healthy Lifestyle Lecture

Sa inisyatibo ng Municipal Nutrition Committee (MNC), naghatid-saya sa mga mag-aaral sa elementarya sa Bayambang ang aktibidad na “Larong Pinoy at Healthy Lifestyle Lecture,” na ginanap noong September 8, 2024, sa Bayambang Central School at September 11, 2024 sa Buayaen Central School.

Sa panahon ngayon, sa mga electronic gadgets na lang nakababad ang mga bata, kaya ang aktibidad na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para maglaro, mag-ehersisyo, at malaman na rin ang ukol sa wastong nutrisyon sa pamamagitan ng masusustansiyang pagkain upang makaiwas sa mga sakit dulot ng improper nutrition at sedentary lifestyle.

Kabilang sa mga nilaro ang calamansi relay, hulahoop, stick and bottle, at sipa, at ang mga nagwagi ay binigyan ng fresh na prutas bilang premyo.

Naging lecturer si DepEd District I Nurse Jessica de Vera, na tinalakay ang “Healthy Lifestyle Emphasizing Larong Pinoy.”

Isinabay na rin ng BFP sa aktibidad ang patungkol sa “Fire Prevention for Safety among Children,” na ipinaliwanag naman ni SFO3 Jennifer Espinoza.

Naroon din na nakisaya ang iba pang BFP-Bayambang firefighters at mga guro.

Nagbigay din ang MNC ng spaghetti na pinasustansiya ng maraming carrots bilang merienda, at saka dalawang basketball, isang volleyball, at isang pingpong set para magamit ng mga estudyante sa kanilang physical activities.

Salamat sa MNC, siguradong lalaki ang kasalukuyang henerasyon sa Bayambang na maaalala kung paano sila nag-enjoy sa paglalaro ng mga larong pamana ng lahing Pinoy habang naiiwasan ang insidente ng obesity.(Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan ni Ace Gloria)