Mga Batang Bayambangueño, Nakilahok sa Larong Pinoy at Nutrition Lecture ng MNAO

Muling sinimulan ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ang programang pangnutrisyon na “Larong Pinoy at Lecture on Good Nutrition for Shoolchildren.”

Ang unang sesyon ay ginanap sa Buenlag Elementary School nitong ika-2 ng Oktubre.

Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng tamang nutrisyon at kalusugan sa mga batang mag-aaral, upang maiwasan ang lumalalang problema ng overweight at obesity sa mga paaralan.

Ayon sa MNAO, hindi lamang undernutrition ang kanilang tinutugunan, kundi pati na rin ang pagtaas ng bilang ng mga batang obese.

Bukod sa MNAO, nakiisa rin ang Bureau of Fire Protection (BFP), kung saan naglecture sina FO1 Stancris Nigel V. Caole at FO1 Christian Denver T. Ramos ukol sa fire safety awareness.

Ang mga District School Nurse na sina Jessica C. de Vera at Margie B. Ferrer ay nagbahagi naman ng mga kaalaman tungkol sa healthy lifestyle.

Maliban sa mga lecture, nagkaroon din ng mga physical activities gaya ng hula-hoop contest, best in zumba dance contest, at healthy treats para sa mga bata.

Nagbigay din ang MNAO ng sports items upang magamit ng mga bata sa mga nakatakdang physical activity sessions sa paaralan.

Ang programang ito ay nakaangkla sa “Health for All” at nutrition program ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na naglalayong mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng bawat Bayambangueño.

Sa huli, umaasa ang MNAO at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba mas magiging healthy at aktibo ang mga mag-aaral sa Bayambang. (text: Mark Andrei de Luna, VMF/RSO; photos: MNAO)