Mga Batang Ballerina, Nagpakitang-Gilas sa Dance Recital

Matagumpay na nagtapos ang unang batch ng Summer Dance Class sa pamamagitan ng isang espesyal na dance recital na ginanap ngayong araw, May 26, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.

Sa naturang pagtatanghal, ipinamalas ng mga batang ballet dancer na may edad 12 taong gulang pababa ang kanilang talento, disiplina, at mga natutuhang kasanayan sa sayaw matapos ang mahigit isang buwang pagsasanay.

Matapos ang kanilang performance, ginawaran ang mga kalahok ng Certificate of Completion bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, pagsisikap, at matagumpay na pagtatapos ng summer dance program.

Bilang pagkilala rin sa kanyang mahalagang ambag sa tagumpay ng programa, ginawaran ng sertipiko si Coach Perry Sevidal para sa kanyang dedikasyon sa pagtuturo at paggabay sa mga batang mananayaw.

Si Coach Sevidal ay may mahigit 15 taong karanasan bilang company member ng Ballet Philippines at naging guro rin sa CEP Dance School. Sa kanyang malawak na karanasan sa pagtatanghal sa loob at labas ng bansa, patuloy siyang nagbibigay inspirasyon sa mga kabataang nagnanais matuto ng ballet. (JLT/SMGC;AG/)