Isang makasaysayang araw ang itinala ng bayan ng Bayambang nitong Hunyo 30, 2025, matapos pormal na manumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal sa isang dignified na seremonyang ginanap sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan nina Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III at Hon. Djoanivie Jomare A. Junasa, Acting Presiding Judge ng Municipal Trial Court, ang seremonya kung saan muling nanumpa si Hon. Mary Clare Judith Phyllis “Niña” Jose-Quiambao bilang Municipal Mayor, kasama si Hon. Ian Camille C. Sabangan bilang Municipal Vice-Mayor.
Katuwang nilang nanumpa ang walong miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Hon. Jan Nazer David B. Junio, Hon. Jose S. Ramos, Hon. Gerardo DC. Flores, Hon. Zerex T. Terrado, Hon. Levinson Nessus M. Uy, Hon. Jocelyn S. Espejo, Hon. Raymund C. Camacho, at Hon. Rhyan P. de Vera.
Kasunod nito ay isinagawa ang pirmahan ng kani-kanilang oath of office, isang hakbang ng pagtanggap sa mandato ng mamamayang Bayambangueño.
Sa kanyang talumpati, mariing binigyang-diin ni Mayor Niña ang pagpapatuloy ng adbokasiyang Rebolusyon Laban sa Kahirapan — isang kampanyang nakatuon sa pagsugpo sa kahirapan, makataong serbisyo, sustinableng pag-unlad, at pamahalaang mas bukas, mas makatao, at mas malapit sa taumbayan.
“… Kayo ang bida. Kayo ang dahilan kung bakit kami naririto. Kayo ang lakas ng Bayambang,” ani Mayor Niña, sabay sabing patuloy niyang ilalaban ang mga programang para sa masa na magtatanggol sa mga inaabuso at naaagrabyado ng pandaraya ng iilan.
Bilang pagbubukas ng bagong kabanata ng kanyang panunungkulan, ibinahagi rin ng alkalde ang dalawang aral na lalong nagpapatatag sa kanyang pananaw bilang lider. “Una, kailangan natin pagtibayin ang disiplina,” aniya. “Pangalawa, dapat nating kilalanin ang isang uri pa ng kahirapan na madalas isinasantabi — ang poverty of the mind. Sa panahon ngayon, mas mabilis kumalat ang kasinungalingan kaysa sa katotohanan.”
Sa kanyang paninindigang patuloy na maglingkod nang buong puso, malinaw ang mensahe ni Mayor Niña: hindi ito simula lamang ng isa pang termino, kundi ito ay pagpapatuloy din ng isang kilusan na nailunsad na para sa kapakanan ng bawat Bayambangueño. (RGDS/RSO; AG/JJJ)















