MFPTA Officers, Inilahad ang Plano at Programa sa LGU

Pormal na ipinakilala ng bagong halal na opisyal ng Municipal Federated Parent-Teacher Association (MFPTA) ng Bayambang para sa taong panuruan 2025–2026 ang kanilang hanay at mga nakahandang programa sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng isang courtesy call ngayong araw, Setyembre 9.

Sa naturang pagpupulong, tinanggap ni Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Administrator, ang mga opisyal bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao.

Inilahad ng MFPTA officers ang kanilang mga pangunahing plano at adbokasiya para sa akademikong taon, na nakatuon sa pagpapatibay ng ugnayan ng mga guro, magulang, at pamahalaang lokal upang higit pang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon at pamumuhay ng bawat bata sa bayan.

Tampok sa pagpulong si King Ariestone G. Galsim, isang batang PWD na kasama ng MFPTA, na sa kabila ng kanyang kapansanan ay nagsilbing inspirasyon sa lahat sa pamamagitan ng kanyang husay sa pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika. Nagbahagi rin siya ng isang maikling talumpati bilang patunay na ang talento at determinasyon ay walang kinikilalang hadlang.

Ipinahayag naman ni Atty. Vidad ang buong suporta ng pamahalaang lokal sa mga inisyatibo ng MFPTA at tiniyak ang mas malapit na pakikipag-ugnayan ng LGU Bayambang sa asosasyon, bilang katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pang-edukasyon. (WMC/RGDS/RSO;WMC)