Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, isinagawa ang “Men Standing Up for Women” Symposium ngayong araw, Marso 12, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, na dinaluhan ng iba’t ibang kalahok mula sa lokal na pamahalaan at komunidad upang palakasin ang kamalayan sa usaping pangkasarian at pantay na karapatan.
Pinangunahan ang programa ni Niña Jose‑Quiambao, na nagpaabot ng mensahe sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Jocelyn S. Espejo. Sa mensahe, binigyang-diin niya na: “Feminism isn’t about making women stronger. Women are already strong. It’s about changing the way the world perceives that strength.”
Nagsimula ang programa sa opening remarks ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na nagbigay-paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “Men Standing Up for Women”. Binanggit niya na mahalaga ang pagbabago ng pananaw sa karapatan ng kababaihan at kung paano ang kalalakihan ay maaaring maging kaagapay sa pagpapatibay ng karapatang ito.
Ang resource speaker sa symposium ay si Dr. Presley V. De Vera, na tumalakay sa Gender and Development (GAD) at ang konsepto ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, at Sex Characteristics (SOGIESC). Ipinaliwanag niya na mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng babae at lalaki sa lipunan at paano mabibigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat sa edukasyon, trabaho, at iba pang aspeto ng buhay. Tinukoy rin niya na bawat tao ay may sariling identity at paraan ng pagpapakita ng sarili—mula sa pagkakakilanlan ng kasarian, kung kanino naaakit, paano ipinapakita ang sarili, hanggang sa pisikal na katangian ng katawan. Ayon sa kanya, ang pag-unawa at respeto sa iba’t ibang identity ay susi sa pagkakapantay-pantay at mas maayos na lipunan.
Dumalo rin sa symposium si SK Federation President John Roy Jalac, na nagpakita ng suporta sa programa at sa layunin nitong itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan sa lipunan.
Bilang karagdagan, dumalo rin sa programa bilang suporta si Bb. Bayambang, Limgas ng Pangasinan, Pangasinan Grand, at Miss Malasiqui 2024, Ms. Jenesse Palaganas Mejia, na nagbigay ng presensya sa layunin ng symposium na itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan. (Mark Andrei de Luna; AG, John Paulo Ballesteros)






