Ang mga kinatawan mula sa Local Government Unit ng Bayambang – MDRRMO Rescuers ay matagumpay na lumahok sa Rescue Rope Training Level 1–3 na inorganisa ng San Carlos City CDRRMO at isinagawa ng Philippine Red Cross – Batangas Chapter noong Oktubre 6 hanggang 14, 2025.
Layunin ng walong araw na pagsasanay na mapataas ang antas ng kasanayan, disiplina, at kahandaan ng mga kalahok sa rope rescue operations, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng mabilis na tugon sa mataas o mahirap na lugar.
Saklaw ng pagsasanay ang paggamit ng iba’t ibang buhol (knots), anchoring systems, rappelling techniques, tamang pamamaraan ng paghawak at pagligtas sa mga biktima, at epektibong koordinasyon ng rescue team. Sa mga sumunod na antas ng training, isinagawa ang drills, situational exercises, at advanced rope rescue maneuvers na nagpatibay sa pisikal at mental na kahandaan ng mga kalahok.
Sa ilalim ng paggabay ng mga kwalipikadong tagapagsanay mula sa Red Cross Batangas Chapter, nakamit ng mga lumahok ang mas mataas na antas ng kompetensya, kumpiyansa, at kahandaan sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng emerhensiya na kinakailangan ng rope rescue.
Ang aktibong pakikilahok ng MDRRMO rescuers sa ganitong uri ng pagsasanay ay patunay ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaang lokal sa pagpapatatag ng disaster preparedness, emergency response, at community resilience sa buong bayan.
Lubos ang pasasalamat ng LGU Bayambang sa San Carlos City CDRRMO at Philippine Red Cross – Batangas Chapter sa matagumpay na pagsasagawa ng programang ito, na nagpatibay ng koordinasyon at pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga emergency response teams sa rehiyon.










