Naging maayos at ligtas ang pagbubukas ng Pista’y Baley 2026 kasabay ng pagsisimula ng Semana Santa, matapos magsagawa ng malawakang operasyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong Marso 28 hanggang 29, 2026. Nag-deploy ang tanggapan ng mga standby first aiders sa iba’t ibang aktibidad upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, kabilang ang Grand Opening ng pista, Agri-Trade Fair, anticipated mass sa Sanctuario de San Vicente Ferrer, at maging sa Animal Shelter.
Bukod dito, nagsagawa rin ng roving at inspeksyon sa mga resort at ilog sa mga barangay gaya ng Wawa, Darawey, Pangdel, at Amancosiling Norte, pati sa mga pribadong pasyalan tulad ng Urduja, Gina’s Resort, at Silverconcha. Nakipag-ugnayan ang MDRRMO sa mga pamunuan ng resort at siniguro ang pagkakaroon ng emergency hotline numbers bilang bahagi ng kahandaan sa inaasahang dagsa ng mga bakasyunista. Ayon sa ulat, naging maayos ang daloy ng mga aktibidad at walang naitalang insidente sa unang araw ng operasyon.
Sa paggunita ng Linggo ng Palaspas noong Marso 29, nagtalaga ang MDRRMO ng mga first aiders sa apat na simbahan sa bayan, kabilang ang Sanctuario de San Vicente Ferrer, San Lorenzo Ruiz Parish, San Isidro Labrador Parish, at Santo Domingo Ybañez de Erquiza. Dalawang kaso ng pagkahilo ang agarang narespondehan—isa ay dinala sa Bayambang District Hospital para sa karagdagang pagsusuri, habang ang isa ay nabigyan ng paunang lunas sa lugar. Sa kabuuan, naging maayos ang daloy ng mga misa na walang naitalang malubhang insidente.
Kasabay nito, patuloy ang river at resort patrolling sa mga lugar tulad ng Bacnono, Kangaroo Hill, at iba pang kilalang pasyalan.
Sa ginanap namang Bb. Bayambang pageant, nagsagawa ang MDRRMO ng briefing, risk assessment, at pag-deploy sa anim na post para sa crowd control at medical standby. Isa lamang na minor injury ang naitala matapos madapa ang isang kalahok, na agad narespondehan ng RHU sa tulong ng MDRRMO.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang operasyon ng MDRRMO sa unang mga araw ng pista at Semana Santa, na may maagap na pagtugon at walang naitalang malaking insidente—patunay ng kahandaan at patuloy na pagbabantay para sa kaligtasan ng bawat Bayambangueño. (RSO; MDRRMO)

















