Ang Pamahalaang Lokal ng Bayambang ay buong pagmamalaking lumahok sa National Disaster Resilience Month (NDRM) Rescuelympics 2025 na ginanap noong Oktubre 12 hanggang 15, 2025 sa Lungsod ng Alaminos, Pangasinan.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga delegado at rescue teams mula sa Region I, Region II, at Cordillera Administrative Region (CAR) na nagtipon-tipon upang ipamalas ang kani-kanilang kakayahan sa iba’t ibang larangan ng disaster response at emergency management. Layunin ng programa na patatagin ang koordinasyon, kasanayan, at kahandaan ng bawat lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna at emerhensiya, alinsunod sa tema ngayong taon: “Bayanihan Para sa Katatagan: Kahandaan, Kaligtasan, at Pagbangon ng Bansa.”
Pormal na binuksan ang programa noong Oktubre 13, 2025, sa pamamagitan ng Entrance of Colors, sinundan ng Invocation, at pag-awit ng Pambansang Awit.
Matapos ang pagbubukas, isinagawa rin ang Tree Planting Activity na pinangunahan ng CENRO at CDRRMO, at sinundan ng Mayor’s Night bilang pagtitipon ng mga kalahok at opisyal mula sa iba’t ibang rehiyon.
Noong Oktubre 14, 2025, isinagawa ang Rescue March. Sinundan ito ng Rescuelympics, kung saan nagpaligsahan ang iba’t ibang rescue teams mula sa mga lungsod at bayan ng Hilagang Luzon sa iba’t ibang sitwasyong tumutulad sa aktuwal na operasyon ng pagsagip.
Sa gabi naman ay ginanap ang LDRRMO Night, isang gabi ng pagkakaibigan at pagkilala sa mga lokal na opisyal at tagapagtaguyod ng disaster risk reduction and management (DRRM).
Noong Oktubre 15, 2025, isinagawa ang Awarding at Closing Program, na pinangunahan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon.
Nagbigay din ng mensahe sina ASEC Ana Carmela V. Remigio at Dir. Laurence E. Mina ng OCD Region I, na kapwa nagpasalamat sa lahat ng kalahok sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad.
Ang LGU Bayambang ay nagpapahayag ng taos-pusong pasasalamat sa OCD Region I, CDRRMO Alaminos, at sa lahat ng kasaping ahensya at lokal na pamahalaan na naging bahagi ng kaganapan. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, higit pang napagtitibay ang bayanihan, kahandaan, at katatagan ng mga Pilipino sa harap ng anumang sakuna.










