Nagsagawa ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Bayambang ng isang agarang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Meeting noong Abril 8, 2026 sa Balon Bayambang Events Center bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda ng lokal na pamahalaan sa inaasahang matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Isinagawa ang nasabing pulong alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang higit pang mapalakas ang koordinasyon, mitigation, at preparedness measures ng munisipalidad laban sa banta ng matinding tagtuyot at iba pang kaugnay na panganib.
Dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan at sektor, kabilang ang DILG, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Rural Health Unit (RHU), Municipal Engineering Office (MEO), Information and Communications Technology Office (ICTO), Municipal Agriculture Office (MAO), Bayambang Water District (BAYWAD), Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO), Liga ng mga Barangay (ABC), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at mga Punong Barangay at kanilang mga sekretarya.
Sa pagpupulong, nagbahagi ang bawat ahensya ng kani-kanilang ulat, datos, at rekomendasyon upang masuri ang kasalukuyang kahandaan ng bayan. Layunin nitong matukoy ang mga posibleng panganib, lalo na sa sektor ng kalusugan, agrikultura, tubig, at enerhiya, at makapaglatag ng mga kongkretong hakbang upang mabawasan ang posibleng pinsala sa komunidad.
Tinalakay rin ang estado ng suplay ng tubig at kuryente sa bayan. Ayon sa mga kinauukulang ahensya, nananatiling matatag ang kanilang kahandaan, ngunit hinihikayat ang publiko na magtipid sa konsumo at isaalang-alang ang paggamit ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya gaya ng solar power.
Bilang bahagi ng mga napagkasunduang hakbang, inirekomenda ang sumusunod:
• Pagbabawal sa pagsusunog ng mga tirang pananim tulad ng mais upang maiwasan ang sunog at mapangalagaan ang kapaligiran
• Paghihikayat sa bawat sambahayan na magtipid sa tubig at kuryente upang mapanatili ang sapat na suplay
• Posibleng transition sa online classes
(John Paulo Ballesteros/JLT/RSO; JMB)







