Noong ika-26 ng Pebrero 2026, bandang 4:08 ng hapon, nakatanggap ng ulat ang MDRRMO Bayambang hinggil sa isang insidente ng pagkalunod sa Agno River sa Brgy. Caturay.
Batay sa paunang impormasyon, limang (5) kabataan ang nagpunta sa ilog. Tatlo ang naligo na napapunta sa malalim na lugar. Sinaklolohan sila ng kasamahan ngunit hindi na kinaya na iahon dahil sa lakas ng agos sa ilalim ng tubig. Nakaahon ang nagsubok magligtas, at tumawag agad ng saklolo ang kasama nilang lalaki na hindi naliligo.
Ang babaeng survivor ay kasalukuyang naka-confine sa Bayambang District Hospital. Maliban sa hirap sa paghinga at psychological trauma, maayos na ang kalagayan nito.
Tatlo ang napaulat na nawawala, kaya agad na ikinasa ang search and retrieval operations ng MDRRMO-WASAR Team katuwang ang BFP, PNP, BPSO, BDRRMC, MDR personnel na malapit sa lugar, at kalaunan ay dumating din ang PDRRMO.
Kinontact din ng MDRRMO-Bayambang ang MDRRMO ng Urbiztondo upang ipaalam ang insidente.
Bandang 5:30 PM ay narecover ang katawan ng naunang nalunod, at kinabukasan ay hiwalay na narecover naman ang katawan ng ikalawa at ikatlong nalunod.
Sa utos ni Mayor Niña Jose-Quiambao, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa mga pamilya ng mga biktima upang bigyan ng psychological first aid at iba pang uri ng tulong.
Nakikiisa po ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya.
Samantala, mariing pinapaalalahanan ang lahat ng residente na nakatira malapit sa ilog na iwasang maligo dito dahil sa posibleng panganib na dulot ng kahalintulad na insidente.
Para sa ibang detalye, inaabisuhan naman ang ating mga kaibigan sa media na magtanong sa lokal na himpilan ng pulisya. (RSO)




