Bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong ‘Nando,’ pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ngayong araw, Setyembre 21, 2025, kasama ang lahat ng miyembro ng Bayambang Municipal Disaster Risk Reduction Council (MDRRMC) sa pamamagitan ng Zoom video.
Bilang parte ng talakayan, ibinahagi ni LDRRM Officer Genevieve N. Uy ang lokasyon, trajectory, at posibleng maging epekto ng bagyo sa bayan ng Bayambang.
Kaniyang ipinaalam sa lahat na mayroong mataas na risk ng pagbaha na maaaring manggaling sa mga kailugan sa bandang norte ilang araw pagkaraan ng bagyo. Ito ay dahil sa pagiging saturated na sa tubig-baha ang mga lupain sa mga mabababang parte ng bayan.
Pagkatapos nito ay tinalakay ng iba’t ibang miyembro ang kanilang ginawang mga preparasyon kaugnay ng naturang parating na bagyo.
Kabilang dito ang paghahanda ng mga rescue equipment, supplies, land and water assets, at rescue vehicles; activation ng response cluster; pakikipag-koordinasyon sa mga 77 na barangay upang matiyak ang kahandaan ng bawat barangay; monitoring ng water level sa Ilog Agno; monitoring ng lagay ng panahon sa DOST-PAGASA at Windy; pagrepaso ng mga polisiya ng DepEd ukol sa suspensyon ng klase; pagsiguro ng sapat na supply ng mga gamot, prophylaxis, at relief goods; pagsiguro na tuluy-tuloy ang data connectivity; atbp.
Pinapayuhan ang lahat ng residente na maging handa sa posibleng maging epekto ng bagyo. (RSO; MDRRMO)












