Mainit na winelcome ni Mayor Niña ang Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ng Bautista sa kanilang paglalakbay-aral sa MNAO-Bayambang ngayong araw, Pebrero 18, 2026, upang matutunan ang mga naging epektibong programa at estratehiya ng bayan ng Bayambang sa larangan ng nutrisyon.
Pinangunahan ni Ms. Kristel Lucena ang delegasyon ng MNAO-Bautista kasama ang 18 na Barangay Nutrition Scholars sa pagkalap ng mga ideya at karanasan na maaaring iangkop sa kanilang sariling komunidad.
Ito ay dahil sa kagustuhan nilang mas lalo pang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng mga programang pang-nutrisyon, lalo na para sa mga bata, buntis na kababaihan, at iba pang sektor na nangangailangan ng sapat na nutrisyon.
Nanguna naman si Municipal Nutritionist Venus M. Bueno at kanyang staff upang ibahagi ang kanilang mga gawain kabilang na ang mga paraan ng pagmonitor sa timbang at taas ng mga bata, pagpapaunlad ng mga community garden, at mga programa para sa pagpapalakas ng nutrisyon ng mga ina.
Ang lakbay-aral ay isang patunay ng patuloy na pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabahagi ng kaalaman at karanasan, upang mapabuti ang antas ng serbisyong pangkalusugan at nutrisyon sa mga komunidad at masiguro ang malusog na kinabukasan ng mga mamamayan. (John Patrick Tabuga/VMF/RSO; JMB)










