Pinarangalan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Rehiyon I si Mayor Niña Jose-Quiambao sa ginanap na seremonya ngayong araw, December 17, 2025, sa Ortega Convention Center ng City of San Fernando, La Union, na may temang ng “Acknowledging Sacrifice; Embracing Heroism.”
Bagama’t hindi dumalo ng personal si Mayor Niña, kanya namang ipinadala bilang kinatawan si Konsehal Jocelyn Espejo.
Kasama niyang tumanggap ng pagkilala sina OIC BFP-Bayambang Chief, FInsp Carol Joy Palchan, at BFP Pangasinan Provincial Director, FSSupt Marvin T. Carbonel, DSC.
Ang pagkilala ay ibinigay bilang pagpapahalaga sa dedikasyon at suporta ng alkalde sa mga gawain ng BFP sa kanyang nasasakupan, pati na rin sa kanyang pagkilala sa sakripisyo at kabayanihan ng mga bumbero sa pagprotekta ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan.
Sa mensahe na ipinadala ni Mayor Niña, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng BFP upang tiyakin ang kaligtasan ng buong pamayanan.
Binigyan din niya ng pasasalamat ang BFP Rehiyon I sa kanilang walang sawang paglilingkod sa bayan. (VMF/RSO; JSE)




