Mayor Niña, Nanguna sa PDRA para sa Bagyong “Uwan”

Bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong ‘Uwan’ (international code name: Fung Wong) sa Biyernes, pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) noong  Nobyembre 6, 2025, kasama ang lahat ng miyembro ng Bayambang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at mga Barangay DRRM Committee sa pamamagitan ng Zoom video.

Bilang parte ng talakayan, ibinahagi ni LDRRM Officer Gene N. Uy ang lokasyon, trajectory, at posibleng maging epekto ng bagyo sa bayan ng Bayambang.

Kaniyang ipinaalam sa lahat na mayroong mataas na tsansa na may kalakasan ang bagyong ‘Uwan’ at maaaring magdulot ng malakas na hangin, malakas na buhos ng ulan, at pagbaha sapagkat direktang dadaan ang bagyo sa ating probinsya at rehiyon.

Pagkatapos nito ay tinalakay ng iba’t ibang miyembro ang kanilang ginawang mga preparasyon kaugnay ng naturang parating na bagyo.

Kabilang dito ang paghahanda ng mga rescue equipment, supplies, land and water assets, at rescue vehicles; activation ng response cluster; pakikipag-koordinasyon sa mga 77 na barangay upang matiyak ang kahandaan ng bawat barangay; monitoring ng lagay ng panahon batay sa mga ulat ng DOST-PAGASA at Windy; posibleng suspensyon ng klase sa Lunes; pagsiguro ng sapat na supply ng mga gamot, prophylaxis, relief goods; atbp.

Pinapayuhan ang lahat ng residente na mag-ingat at maging handa sa posibleng maging epekto ng bagyo. (RSO; MDRRMO)