Mayor Niña, Nanguna sa Pagpapatuloy ng “Buklat Aklat”

Patuloy na pinagtitibay ni Mayor Niña ang adhikaing palawakin ang kakayahan sa pagbasa ng mga kabataan sa Bayambang sa pamamagitan ng kanyang proyektong “Buklat Aklat”.

Ngayong araw, ika-16 ng Oktubre, muling nagsagawa ng book reading session ang lokal na pamahalaan sa Don Teofilo Mataban Memorial School sa Barangay Ligue, kung saan personal na naging “storyteller” ang alkalde upang hikayatin ang mga mag-aaral na magbalik-interes sa pagbabasa at mapaunlad ang kanilang literacy skills.

Sa okasyon, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng edukasyon at pagbabasa sa paghubog ng kritikal na pag-iisip ng kabataan. “Layunin nating siguruhing walang batang mapag-iiwanan, lalo na sa panahong kailangang mas maging malikhain sa pagtuturo,” aniya.

Kasama niya sa nasabing aktibidad sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Councilor Zerex Terrado, ang Local Youth Development Office (LYDO), Sangguniang Kabataan (SK) Federation, Municipal Nutrition Action Office (MNAO), Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT), Task Force Disiplina, Binibining Bayambang, at ang mga sponsor na sina Dr. Roberto Gabriel at kanyang team at Bayambang Matikas Eagles Club upang magbigay-inspirasyon at makisaya sa mga mag-aaral.

Nakiisa rin siyempre si Ligue Punong Barangay Jessie de Vera at mga miyembro ng Ligue SK members.

Bukod sa masayang kwentuhan at interaktibong talakayan, nagpamahagi si Mayor Niña ng mga educational kits sa mga bata, kabilang ang coloring books, story books, at crayons, at mayroong pang libreng Jollibee meals.

Sa mensahe ni Atty. Vidad, nabanggit niyang ang lahat ng mga naging matagumpay sa kanilang propesyon is natutong magbasa at umintindi sa binabasa, kaya’t nararapat lang na pagsikapan ng mga kabataan na matutong magbasa at mag-aral ng mabuti upang maiangat ang buhay ng kanilang pamilya.

Ayon naman kay SK Federation President John Roy S. Jalac, ang Buklat Aklat ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng munisipyo na gawing “reading-friendly” ang Bayambang. “Target nating maipalaganap ito sa lahat ng paaralan at barangay, lalo sa mga malalayong komunidad.”

Sa tuluy-tuloy na pagtutok sa edukasyon, inaasahang magiging sandigan ang proyektong ito upang mahubog ang mas maraming kabataang handang harapin ang hamon ng pag-aaral at ng buhay. (VMF/RSO; Rob Cayabyab, MTICAO)