Bilang patuloy sa malawakang adhikain na maghatid ng serbisyo publiko ng lokal na pamahalaan, pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang paghahatid ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 8, ngayong Nobyembre 20 sa Brgy. Sapang Covered Court, kasama si KSB Year 8 Chairman, Dr. Roland Agbuya.
Layunin ng naturang programa na maghatid ng iba’t ibang serbisyo publiko sa iba’t ibang dako ng bayan. Sa pagkakataong ito, nagtipon-tipon ang mga residente mula sa Brgy. Sapang, Brgy. Banaban, at Brgy. Duera upang makatanggap sa mga libreng serbisyong medikal, dental, legal, at iba pang tulong mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng pagkakaisa, tapat na paglilingkod, at lideratong nakaugat sa malasakit.
Aniya, “Kabilang po sa mga pangunahing advocacy ng aking administrayon ay ang malawak at mas abot-kamay na serbisyo ng munisipyo para sa bawat Bayambangueño. Kung saan mayroong Bayambangueñong nangangailangan, agad po tayong tutugon at tutulong, lalo na kung para sa vulnerable sectors ng ating komunidad gaya ng mga senior citizens, mga buntis, PWDs, at iba pa. Your welfare remains our top priority.”
Nagpakita rin ng suporta sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Councilor Jocelyn Espejo, Councilor Rhyan de Vera, Councilor Raymund Camacho, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na kapwa nagpahayag ng kani-kanilang pakikiisa sa layunin ng programa.
Tumulong sa pagsasagawa ng aktibidad sina PB Manuel C. Piapa Cruz ng Sapang, PB Romeo S. Caranto ng Banaban, PB Carlito E. Soriano ng Duera at ang mga SK Council ng bawat barangay. Muli ring nagpaabot ng libreng meryenda sa mga residente ang grupong Arangkada Nobenta.
Ayon kay Dr. Agbuya, daan-daang mamamayan mula sa tatlong barangay ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong handog ng KSB.
Sa patuloy na pag-abot ng lokal na pamahalaan sa bawat barangay, muling pinatutunayan ng KSB sa ilalim ng liderato ni Mayor Niña, na ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa serbisyong direkta at bukas-palad na inilalapit sa mga mamamayan. (John Loyd Tamondong/RSO; MLO)









