Sa adhikaing patuloy na maiabot ng pamahalaang lokal ang mga serbisyo nito sa bawat sulok ng bayan, pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang paghahatid ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 8, nitong Oktubre 16 sa Beleng Elementary School (BES), Barangay Beleng, kasama si KSB Year 8 Chairman, Dr. Roland Agbuya.
Layunin ng nasabing programa na ilapit ang iba’t ibang pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga malalayong barangay. Sa pagkakataong ito, sama-samang nagtipon ang mga residente mula sa Brgy. Beleng, Brgy. Balaybuaya, at Brgy. Batangcaoa upang makinabang sa mga libreng serbisyong medikal, dental, legal, at iba pang tulong mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng serbisyong may puso, isang paniniwalang ang tunay na liderato ay ang paglapit sa tao at pagdama sa kanilang pangangailangan.
Aniya, “Gusto nating maramdaman ng bawat Bayambangueño na ang gobyerno, [ay] hindi lang nasa munisipyo, [kundi] nasa piling ninyo, dito mismo sa barangay [Beleng].”
Nagpaabot din ng kanilang suporta sina Councilor Jocelyn Espejo at Councilor Rhyan de Vera, na kapwa nagpahayag ng kanilang pagkakaisa sa layunin ng KSB na maghatid ng tulong at serbisyo sa mga mamamayan. Dumalo rin sina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at BPC President, Dr. Rafael L. Saygo.
Kabilang sa mga tumulong sa aktibidad ang mga guro ng Beleng Elementary School sa pangunguna ni Punong Guro, Dr. Darcy Rio Lopez, gayundin sina PB Leopoldo Ocampo ng Beleng, PB Santillan Abalos ng Batangcaoa, PB Jerry Catchillar, at mga SK Council ng bawat barangay.
Naroon muli ang grupong Arangakada Nobenta upang mamahagi ng libreng merienda.
Ayon kay Dr. Agbuya, daan-daang residente ng tatlong nabanggit na barangay ang nakinabang sa mga serbisyong inihandog.
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan ay isa sa mga pangunahing inisyatiba ng administrasyon ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na layuning maihatid mismo sa mga barangay ang serbisyo ng pamahalaan at matiyak na walang Bayambangueñong maiiwan sa pag-unlad. (RGDS/RSO; Rob Cayabyab)











