Mayor Niña, Nagpatawag ng Emergency Joint Meeting Dahil sa mga Insidente ng Pagkalunod

“Paggabay, edukasyon, at pag-aaruga.”

Ito ang naging sentro ng mensahe ni Municipal Mayor Niña Jose-Quiambao nang magpatawag siya ng isang Emergency Joint Meeting kaugnay ng insidente ng pagkalunod sa bayan kamakailan.

Sa nasabing pulong na ginanap ngayong araw, Marso 4, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, kanyang binigyan-diin ang kahalagahan ng maagap na paggabay, sapat na edukasyon, at kolektibong pag-aaruga mula sa pamilya, paaralan, at pamahalaan upang maiwasan ang mga katulad na trahedya at higit na mapalakas ang kaligtasan ng komunidad.

Dumalo sa nasabing pulong ang mga Punong Barangay at Kagawad, school heads mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan, Public Schools District Supervisors (PSDS) ng Bayambang I at II, Local School Board (LSB) members, PNP, BFP, BPSO, Municipal Federated Parents-Teachers’ Association (MFPTA), at Federated TODA Officers, bilang bahagi ng isang malawak at inklusibong talakayan.

Ang pagpupulong ay may layuning makabuo ng mga preventive at responsive measures para sa kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ng mga mag-aaral at kabataan.

Ilan sa mga naging mungkahi ng mga dumalo ang paglalagay ng warning signs at pagpapataw ng multa sa mga lalabag, pagbuo ng ordinansa para sa pagtatayo ng alternatibong pasyalan ng mga bata, at ang pagkakaroon ng mga bantay sa mga barangay na may ilog upang matiyak na hindi pupunta ang mga bata nang walang kasamang magulang o nakatatanda.

Tinalakay rin ang pangangailangang palakasin ang implementasyon ng umiiral na mga ordinansa, partikular na ang curfew for minors, gayundin ang mungkahimg gawing isang basic life skill ang paglangoy sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.

Sa gitna ng diskusyon, nanawagan si Mayor Niña ng pagpapakumbaba at pagkakaisa. “Lahat tayo may pagkukulang,” pahayag ng alkalde. “Hindi tayo makakasulong kung hindi natin kikilalanin ang ating mga pagkakamali… Ang mahalaga ay kumilos tayo.”

Sa kabuuan, inaasahang magsasagawa ng mga karagdagang dayalogo ang alkalde sa mga magulang, katuwang ang mga barangay, gayundin sa mga mag-aaral sa pakikipag-ugnayan sa mga school heads at MFPTA, bilang susunod na hakbang upang mas mapalalim ang kamalayan, disiplina, at malasakit para sa kapakanan ng mga kabataan. (Jer Aian Cedric Gonzales/RGDS/RSO; first photo: RobC; AG)