Mayor Niña, Nagbigay ng Dog Food at Gamot sa Rescued Paw PH sa Brgy. Pantol

Bilang patuloy na pagpapakita ng malasakit sa kapakanan ng mga hayop, inatasan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang Municipal Agriculture Office (MAO) na maghatid ng tulong sa Rescued Paw PH, isang pribadong animal shelter sa Brgy. Pantol.

Bilang tugon sa kahilingan ng shelter, nagkaloob si Mayor Niña ng apat na sako ng dog food at mga gamot para sa mga aso at pusa upang makatulong sa pangangalaga sa mga nasagip na hayop.

Ang donasyon ay tinanggap ni Ms. Ann Donato, kapatid ni Ms. Aidelyn Pagdilao, may-ari ng Rescued Paw PH na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Naging maayos ang turnover sa tulong ng mga opisyal ng Brgy. Pantol.

Patuloy na isinusulong ni Mayor Niña, sa pamamagitan ng Bayambang Animal Shelter, ang mga programang nagtataguyod ng kapakanan ng mga hayop at sumusuporta sa mga indibidwal at grupong nagbibigay ng kanlungan at pangangalaga sa mga inabandona at nailigtas na aso at pusa. (P.S. Romero; MAO)