Nagtipun-tipon ang mga Barangay Health Workers (BHWs) mula sa 77 barangay ng Bayambang para sa kanilang regular na monthly meeting ngayong araw, Agosto 11, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa hanay ng mga katuwang sa serbisyong pangkalusugan.
Pinangunahan ang pagtitipon ni BHW President Laura Ocfemia.
Tinalakay sa naturang pulong ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MRSIA), sa pangunguna ni Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga BHW hinggil sa measles at rubella, gayundin sa mga hakbang para sa pag-iwas, pagkontrol, at pagtugon sa mga naturang sakit sa kanilang mga nasasakupang komunidad.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang kahalagahan ng pagkakaroon ng National Certificate II (NC II) ng mga BHW bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kanilang kakayahan, kaalaman, at kasanayan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan. Sa pamamagitan nito, higit na maihahanda ang mga BHW sa kanilang mahalagang tungkulin bilang katuwang ng Municipal Health Office sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa barangay.
Samantala, bilang karagdagang suporta, nag-donate si Mayor Niña ng mga bagong uniporme sa lahat ng BHW– isang maayos at angkop na kasuotan na kumikilala sa kanilang mahalagang papel bilang mga health frontliner sa lebel ng barangay.
Sa patuloy na pagsasanay, pagpapalakas ng kakayahan, at pagbibigay ng suporta sa mga frontliners sa barangay, napapatatag ang serbisyong pangkalusugan na mas episyente, inklusibo, at tunay na nakasentro sa pangangailangan ng bawat komunidad. (JLT/RSO; JLT)







