Isang surpresang drug test para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, katuwang ang Philippine National Police (PNP) Bayambang at Rural Health Unit (RHU) matapos ang flag ceremony ngayong araw, December 15, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.
Mahigit isang libong empleyado mula sa lahat ng departamento ng munisipyo ang sumailalim sa biglaang pagsusuri.
Ang aktibidad ay bahagi ng komitment ng lokal na pamahalaan na panatilihing malinis sa anuamng ipinagbabawal na gamot ang lahat ng mga opisyal at kawani upang maging produktibo ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng Bayambang.
“Nais nating ipakita sa ating mga kababayan na ang mga taong naglilingkod sa kanila ay may integridad at malusog na katawan at isip,” pahayag ni Mayor Niña.
Idinagdag pa niya na ang mga resulta ng pagsusuri ay tanging makikita lamang ng mga awtorisadong tauhan at ang mga kalahok na empleyado, alinsunod sa mga batas tungkol sa privacy.
Ang PNP-Bayambang ang nangasiwa sa pagtitiyak ng maayos na daloy ng aktibidad, habang ang mga staff ng RHU ang nagsagawa ng pagsusuri at paghawak ng mga specimen.
Ang mga empleyadong makakapasa sa pagsusuri ay patuloy na magsisilbi, habang ang mga makakakuha ng positibong resulta ay makakatanggap ng naaangkop na penalty at pagkakataong makapag-rehab ayon sa mga patakaran ng gobyerno. (VMF/RSO; AG)





